Dalawa ang patay at isa ang sugatan sa nangyaring pamamaril sa loob ng isang pampasaherong van sa Talisayan, Misamis Oriental. Ang suspek, galing din sa van.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Mandahilag nitong makalipas ng hatinggabi noong Linggo.

Ayon sa pulisya, galing ang van sa Cagayan de Oro City at patungo sa Gingoog City, Misamis Oriental.

Batay sa pahayag ng ilang saksi, nakaupo ang suspek sa tabi ng driver. Nang bumaba ito, binaril ang driver at dalawa pang pasahero na isang lalaki at isang babae.

Nasawi ang driver at ang lalaking pasahero na parehong nagtamo ng tama ng bala ng baril sa dibdib. Habang sugatan na dinala sa ospital ang babaeng pasahero.

Nakatakas naman ang suspek na patuloy na hinahanap.

“Naigo kini siya (van driver) sa iyang dughan nga bahin ug kato pud ang isa nga pasahero nga naglingkod sa likod nga portion sa van nakahiagom gihapon og usa ka samad-pinusilan sa iyang dughan gihapon,” ayon kay Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson Police Major Joann Navarro.

Patuloy na inaalam ng awtoridad ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.

“Ang mga witness nagtuo sila nga (adunay) posibilidad nga magkaila lamang kini sila sa maong suspetsado kay aduna man pud sila nadunggan nga ang term nga ginagamit sa suspetsado ngadto sa driver sa maong van is ‘angkol,’” ani Navarro. – FRJ GMA Integrated News