Nasawi ang isang 20-anyos na motorcycle rider matapos siyang mabangga at magulungan ng kasunod niyang dump truck sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV na nag-overtake ang motorsiklo sa pulang truck malapit sa isang interseksyon sa Barangay Buaya.
Pagkarating ng motorsiklo sa harap, nabangga at pumailalim ito sa truck kasama ang rider na ikinasawi niya.
Magsusundo lang sana ang biktima sa kaniyang ama na galing sa trabaho.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng dump truck.
Ayon sa imbestigasyon, pareho silang may kasalanan ng biktima dahil nag-overtake ang rider sa kanan kaya posibleng hindi siya napansin ng truck driver. Ang truck driver naman, tila dumidiretso sa pagtakbo kahit malapit nang mag-stoplight.
Nagka-areglo na ang parehong panig.
Hindi na umano sasampahan ng reklamo ang driver sa pangakong sasagutin niya ang pagpapalibing. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
