Arestado ang isang lalaki matapos niyang tangayin ang isang nakaparadang tricycle sa Antipolo, Rizal. Ang depensa ng suspek, napag-utusan lang siya.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang lalaki na tila nagmamanman sa kalsada sa Barangay San Isidro.

Ilang saglit pa, lumapit siya sa isang tricycle at itinulak ito hanggang sa mapaandar papalayo.

Sinabi ng may-ari na naiwan niya ang susi sa tricycle nang puntahan niya ang kaniyang asawa.

Nahuli ng pulisya ang lalaki sa isang pasalubong center.

Depensa ng suspek, napaniwala umano siya ng isang nagpapakilala may-ari ng tricycle na dalhin ito sa isang gasolinahan sa Sitio Oreta. Ngunit hindi nagpakita ang kaniyang kausap kaya dinala niya ang tricycle sa ibang lugar.

Nahaharap siya sa reklamong paglabag sa Anti-Carnapping Law.— Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News