Isang lalaki ang nasawi matapos siyang saksakin ng isang tricycle driver na naingayan umano sa tambutso ng motorsiklo na sinasakyan ng kaniyang grupo sa Santa Barbara, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na galing sa inuman ang biktima kasama ng tatlong kaibigan at papunta sana sa isang lugawan sa Barangay Poblacion.

Pagkarating sa harap ng plaza, sinigawan ng tricycle driver ang grupo ng biktima na naingayan umano sa tambutso ng motorsiklo ng mga ito.

Sumunod sa kanila ang tricycle driver hanggang sa lugawan kaya binato ito ng isa sa kanila.

Nagalit ang tricycle driver kaya bumunot ito ng kutsilyo at nagkagulo.

Nasaksak ng suspek ang biktima, na hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Nadakip kalaunan ang tumakas na suspek, na mahaharap sa reklamong homicide.

Sinusubukan pa siyang kunan ng pahayag, ayon sa ulat. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News