Nagpahayag ng kanilang pagkadismaya ang Mindanao Development Authority (MinDA) sa maliit na alokasyon umano ng pondo para sa Mindanao, at pangamba kaugnay ng mga naglalabasang ulat tungkol sa katiwalian sa paggamit ng pondo sa flood control projects.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabi ni MinDA Secretary Leo Tesoro Magno sa isang pahayag, na matagal nilang isinusulong ang pagkakaroon ng patas at makatarungang bahagi ng pambansang budget ang Mindanao.

Gayunpaman, nasa 15 porsyento lang umano ng kabuuang budget ng bansa ang ibinibigay sa rehiyon kahit isa ito sa may malaking ambag sa pambansang kaunlaran.

Sa budget deliberation ng House Committee on Appropriations noong August 18, 2025, kasama ang Department of Budget and Management (DBM), kinuwestiyon ni Cagayan de Oro Second District Representative Rufus Rodriguez ang pagbaba ng budget share ng Mindanao para sa 2026—na nasa 15.4 porsyento lamang, kumpara sa 16.6 porsyento noong 2022.

Ayon kay Rodriguez, patunay ito na nananatiling mababa ang prayoridad ng pamahalaan sa pag-unlad ng Mindanao, sa kabila ng potensyal ng ekonomiya ng rehiyon at masaganang likas na yaman.

Pero iginiit ng DBM na maraming pambansang programa ang ipinatutupad sa Mindanao katulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), social protection programs, at foreign assistance projects.

“It is deeply disgusting to now discover that while Mindanao is forced to make do with so little, billions – if not trillions – are being siphoned off through anomalous flood control projects and questionable insertions,” ayon kay Magno.

Idinagdag niya na kung nagamit lang nang tama ang mga ninakaw umanong pondo, naipatayo sana ito ng mga kailangan impraestruktura sa Mindanao, tulad ng mga kalsada, tulay, pantalan, paliparan, pasilidad ng enerhiya, at mga paaralan.

“Every peso lost to corruption is a peso denied to the progress of our farmers, fisherfolk, students, and communities,” sabi pa niya.

Suportado ng MinDA ang isinasagawang imbestigasyon sa tinawag nilang malawakang katiwalian sa flood control projects.

“The Filipino people, especially the long-suffering people of Mindanao, deserve nothing less than the truth and accountability. This is not only about corruption – it is about justice, equity, and the future of our nation. We must put an end to this cycle of plunder and neglect,” dagdag ni Magno.

Ayon naman kay Romeo Vasquez, pinuno ng Consumer Protection Rights ng Department of Trade and Industry-Davao (DTI-11), at dating nakatalaga sa Business Development Division ng DTI-Davao del Sur, dapat mabura na ang katiwalian na maaaring makaapekto sa tiwala ng mga namumuhunan at kaunlaran ng bansa.

“Nakakaapekto ito sa investment. Ang tinatawag nating investor confidence ay isa sa mga nawawala kapag may korupsiyon. May mga red tape na sinasadya pang patagalin ang proseso dahil kailangan ng… alam mo na,” ani Vasquez.

Patuloy umanong nakikipagtulungan ang DTI sa mga lokal na pamahalaan sa pagbibigay-gabay para makaakit ng mga mamumuhunan.

“That’s why DTI in coordination with board of investment and MinDA we are capacitating LGUs improve the way they facilitate their investments and setup the necessary policies,” dagdag ni Vasquez. – FRJ GMA Integrated News