Patay ang isang lalaki matapos na makipagbarilan sa tatlong suspek sa San Jose Del Monte, Bulacan. Ang isa sa mga suspek, sugatan na itinakas ng mga kasamahan niya.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News Saksi nitong Biyernes, makikita sa CCTV camera sa Barangay Graceville, na nakatumba ang biktima sa tabi ng kaniyang motorsiklo.

Pilit niyang tinatangka na tumayo habang ipinuputok ang hawak na baril.

Nasa tabi naman niya ang isa pang nakatumbang motorsiklo at nakahiga rin ang isang suspek.

Pero maya-maya lang, dumating ang iba pang kasamahan ng suspek at pinagbabaril nang malapitan ang biktima.

Pinagtulungan ng mga suspek na isakay sa motorsiklo ang sugatan nilang kasama bago tumakas.

Ayon sa pulisya, kinuha rin ng mga suspek ang baril ng biktima.

Tinutugis na ng mga pulis ang mga suspek, at iniimbestigahan ang motibo sa krimen.

Samantala, patay din sa pamamaril ang 70-anyos na opisyal ng isang homeowners association sa isang subdibisyon sa Antipolo, Rizal.

Nagpapahangin ng gulong ng tricycle ang biktima sa isang vulcanizing shop nang lapitan siya ng dalawang salarin at pinagbabaril.

Hinahanap na rin ng pulisya ang mga tumakas na salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Blangko naman ang pamilya ng biktima sa motibo sa krimen at wala silang alam na kaaway nito.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad.—FRJ GMA Integrated News