Kulong ang isang 32-anyos na modelo at aktor sa isang adult film streaming platform dahil sa ilang taon nang pang-aabuso umano sa kaniyang stepdaughter sa Tarlac.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing dinakip ang suspek ng mga taga-Criminal Investigation and Detection Group Tarlac noong Setyembre 10 sa pinagtataguan nito sa Quezon City.
Nagpalipat-lipat umano ang suspek ng hotel para makaiwas sa huli.
“Itong subject ay isang model at aktor ng isang adult film streaming platform. Inakusahan siya ng panggagahasa ng kaniyang sariling stepdaughter. Isa siya sa most wanted person ng Police Regional Office 3,” ayon kay Police Major Arvin Hosmillo, hepe ng CIDG Tarlac.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na inaabuso na ‘di umano ng suspek ang biktima na nag-umpisa noong siyam na taong gulang pa lamang ito.
Ayon sa CIDG, iniulat ng suspek sa pulisya na nawawala ang kaniyang stepdaughter.
Ngunit naglayas pala ang biktima sa bahay sa Tarlac matapos ang pang-aabuso.
Titingnan ng pulisya kung mayroon pang ibang kasong kinahaharap ang suspek, at ibabalik ang warrant of arrest sa korte na may hawak ng kaso, ayon kay Hosmillo.
Umiwas namang mabigay ng pahayag ang suspek.
“No comment sir. Papunta na po ‘yung attorney ko, siya ang mag-e-explain sa inyo,” sabi ng suspek. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
