Patay na nang matagpuan ang dalawang bagong-silang na kambal sa Kabacan, Cotabato.
Ayon sa ulat ni Katrina Son sa 24 Oras Weekend, magkatabi ang dalawa sa kumot na iniwan sa bakanteng lote sa Purok Bamboo, Sitio Malabuaya sa Barangay Kayaga. Nakita sila ng isang residenteng bumangon nang maaga upang mag-igib sa poso.
"Sa naobserbahan po namin 'yung sanggol is parang...hindi pa siya talaga nine months na pinanganak. We presume na yung bata is a product of miscarriage, that is why the parents or the mother unfortunately inabandona lang doon sa particular na lugar...sa observation ng taga-medical team is hindi pa siya umabot talaga doon sa nine-month period," ani Police Lieutenant Colonel Lou Palma, hepe ng Kabacan Police.
Dinala pa ng mga otoridad sa ospital ang mga sanggol, pero idineklara silang wala nang buhay.
Agad naglibot ang pulis sa mga malapit na komunidad, maging sa mga kalapit na ospital para alamin ang nanay.
"Pinuntahan namin kaagad yung barangay. Hiningian namin ng record yung health center ng barangay kung mayroon doong mga buntis na nagpa-prenatal po na maihahalintulad po doon sa sanggol," sabi ni Palma.
Sa ngayon, wala pang lead ang pulisya sa pagkakakilanlan ng ina na pwedeng masampahan ng reklamo ng infanticide. Posible rin daw na hindi taga-roon ang pamilya ng mga sanggol.
"Hinala namin baka tinapol lang rin po 'yung sanggol doon sa area. 'Yung lugar na 'yun is boundary 'yun ng Cotabato province at saka ng BARMM region," ani Palma. — BM GMA Integrated News
