Kinondena ng animal welfare group ang isang video na kumakalat sa social media kung saan makikita tilang pilit pinainom ng alak ang isang aso.
Ayon sa ulat ni Dino Tangcungco sa 24 Oras Weekend, makikita sa video na, matapos bigyan ang aso ng pagkain, pilit nilang binuksan ang bibig nito at pinainom ng alak. May caption pa sa video na, "POV: Malakas kumain ng pulutan, uminom ka rin."
Burado na ang orihinal na video, pero may mga netizens na nag-save nito at rine-upload hanggang naging viral.
Ibinahagi ng Animal Kingdom Foundation sa kanilang Facebook page ang mga screenshots ng video, na sinumbong sa kanila, at kinondena ito.
"Alcoholic drinks should not be given to any animal dahil ito po ay nagpo-pose ng health risk sa kanila. Ito po ay toxic at maaari silang magkasakit o pwede rin nila ito ikamatay. This is a form of animal abuse because the act of forcing an alcoholic drink that an animal would not normally ingest is a form of animal abuse and cruelty," sabi ni Heidi Marquez-Caguioa, program director ng Animal Kingdom Foundation.
Sinusubukan pang makuha ng GMA Integrated News ang panig ng lalaking nag-upload ng video, pero nagpost na rin ito ng pahayag sa Facebook page.
"I ask for your forgiveness for what we did to the dog. I am only human who made a mistake. I hope you can give me a chance to be forgiven. Thank you," sabi niya.
Sabi ng Animal Kingdom Foundation, personal ding nagpadala ng mensahe sa kanila ang uploader. "Basically he's asking for forgiveness, at nagsisisi daw siya sa ginawa niya, at nagsisisi rin siya na hindi niya dapat ginawa yon...binanggit din niya doon sa kanyang message na okay naman yung aso, wala naman daw pong nangyari," sabi ni Marquez-Caguioa.
"Napakahirap po kasi pag gusto lang natin magpa-cute, magpatawa, o magkaroon ng content sa social media, and we use them, we abuse and we even post it on social media. Animals have feelings, animals can be hurt by the way we treat them or by the way we handle them," dagdag niya.
Kakausapin daw ng grupo and lalaki para pagsabihan siyang huwag nang uulitin ang ginawa sa video.???????— BM GMA Integrated News
