Patay ang isang kagawad matapos siyang pasukin at pagbabarilin sa loob ng barangay hall ng Payar sa Malasiqui, Pangasinan habang natutulog kaninang madaling araw.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, kinilala ng pulisya ang biktima na si Sonny Caspillan, Sr., 61-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, natutulog ang biktima sa loob ng barangay hall kasama ang dalawang civilian volunteer officers nang pumasok ang salarin at pinagbabaril si Caspillan.
Nagtamo ang biktima ng tatlong tama ng bala ng baril sa katawan. Tumakas naman ang suspek sakay ng motorsiklo, kasama ang isa pang suspek.
“Wala naman po siyang kaaway dito na mortal na kaaway, kasi po hindi niya mararating iyong pangalawang kagawad kung meron siyang kaaway,” ayon sa kagawad na si Jerry Mendoza Sr.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Garry Anthony Casem, hepe ng Malasiqui Police Station, bago malagutan ng hininga ay may sinabi ang biktima.
“Nakausap pa, nakapagsalita pa, at iyon ang magiging basis namin sa imbestigasyon. Hindi muna namin i-divulge ang nakuha naming ebidensiya. Subject for in-depth investigation,” ayon kay Casem.
Sinusuri na rin ng mga awtoridad ang mga CCTV footage na maaaring makatulong sa imbestigasyon at pagtukoy sa mga salarin.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News
