Nasawi ang isang 56-anyos na negosyante nang mahulog mula sa tulay ang minamaneho niyang pickup truck at bumagsak sa sapa sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Salaan nitong Martes, September 16, 2025.
Sa CCTV footage, makikita na nag-overtake ang pickup sa isang pedicab bago sumapit sa maliit na tulay.
Nang bumalik na sa dating linya ang pickup, sumampa ang isang gulong nito sa sementado pero mababang harang sa tulay.
Tumagilid ang pickup at nahulog sa sapa na may tubig.
“Siya po ang nag-overtake sa isang pedicab at ito po accidentally nabangga ’yung isang edge ng tulay. Ang nasabing tulay ay maliit lamang. Ang width niya nasa five meters lamang po,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Perlito Tuayon, hepe ng Mangaldan Police Station.
Nagtulong-tulong naman ang mga rescuer at residente para makuha ang biktima pero wala na siyang buhay nang maialis mula sa sasakyan.
Ayon sa pulisya, maaaring tumama ang ulo ng biktima nang bumagsak.
“Possibly tumama ’yung ulo niya. Unconscious agad siya at hindi na ito gumagalaw ayon sa mga taong na-interview namin,” ani Tuayon.
Tumanggi naman ang pamilya ng biktima na magbigay ng pahayag, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News
