Nasawi ang isang lalaki matapos na mabundol ng isang pickup truck sa Ramon, Isabela. Ang biktima, tumilapon sa lakas ng pagkakabangga sa kaniya.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa Santiago-Tuguegarao Road sa bahagi ng Barangay Burgos.

Ayon sa pulisya nasawi ang biktima at iniwang nakahandusan sa daan ng driver ng pickup truck na patungol sa direksyon ng San Mateo, Isabela.

Hindi nakita ng mga saksi ang plaka ng sasakyan pero umaasa silang makatutulong ang CCTV footage para mahanap ito.

Gumagawa na rin ng hakbang ang mga awtoridad para matunton ang driver ng pickup truck.

Wala pang pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News