Dalawang magkasunod na aksidente ang nangyari sa isang highway sa Balamban, Cebu. Lahat ng mga sasakyang sangkot, maghahatid sana ng relief goods para sa mga biktima ng lindol.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang video footage ng isang pickup truck na nahagip ang isang multi-purpose vehicle (MPV) habang tinatahak nila ang pakurba at pababang bahagi ng Trans Central Highway sa Balamban.
Parehong may kargang tulong ang dalawang sasakyan. Ang MPV, bumaliktad, habang nawasak naman ang harapang bahagi ng pickup nang bumangga sa pader.
Batay sa mga lokal na ulat, hindi bababa sa 11 tao ang nasugatan sa aksidente, kabilang ang mga driver ng dalawang sasakyan.
Nadala ang mga sugatan sa ospital sa tulong ni Sogod Southern Leyte Mayor Sheffered Lino Siongco Tan, napadaan din sa lugar para maghatid din ng relief goods.
Ayon sa Balamban Police, lumitaw sa imbestigasyon na nawalan ng preno ang pickup truck sa pakurbang bahagi ng highway at tinamaan ang MPV.
Bago nangyari ang naturang insidente, dalawa pang sasakyan ang naaksidente rin sa parehong highway. Ang mga sangkot na sasakyan na pickup truck din ang isa, may mga dala ring relief goods.
Nawalan din umano ng preno ang pickup at nahagip ang isa pang sasakyan na may kargada ring ayuda para sa mga nilindol.
May sakay na buntis sa pickup truck, at napag-alaman na 20-anyos ang driver.
Dinala sa ospital ang buntis at nasa maayos naman daw nang kalagayan, pati ang iba pang nadamay.
Nagpaalala ang mga awtoridad sa mga magdadala ng tulong sa mga biktima ng lindol na mag-ingat sa kanilang biyahe. – FRJ GMA Integrated News