Nasawi ang isang pitong taong gulang na lalaki habang sugatan ang isang senior citizen at isa pang babae matapos silang mabangga ng MPV sa Lapu-Lapu City, Cebu. Ang naarestong driver, umaming nakaidlip.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang pagtilapon ng babae sa kalsada matapos araruhin ng isang MPV sa Barangay Pusok.
Unang nabangga ng MPV ang batang 7-anyos at isang babaeng senior citizen, na hindi nahagip sa video.
Pauwi sana sa kanilang bahay ang bata nang mangyari ang insidente.
Bukod dito, nasalpok din ng kotse ang isang multicab. Ligtas ang driver nito.
Lumabas sa imbestigasyon na nakaidlip umano ang driver ng MPV.
Umamin ang driver ng MPV sa kanyang kasalanan.
Inihahanda na ng pulisya ang reklamong isasampa laban sa driver. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
