Arestado sa Candelaria, Quezon ang apat na Japanese na mga miyembro umano ng JP Dragon at Luffy Group Criminal Syndicate na nambibiktima umano ng senior citizens sa Japan.
Sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang pagsalakay ng Bureau of Immigration - Fugitive Search Unit sa isang bahay at inakyat ang ikalawang palapag nito.
Bago nito, isang Japanese ang nahuli sa Lucena na naging daan para mahanap ang kanilang Japanese scam hub sa Candelaria.
Sinabi ng BI na may pig butchering scam modus ang grupo at madalas nambibiktima ng senior citizens sa Japan.
“Kaya nga tinawag na pig butchering ay papatabain muna bago nila tuluyan na kunin 'yung laman ng bank accounts. Kinokontak nila 'yung mga biktima nila sa Japan, usually matatanda, aakitin nila na mag-invest sa kanila. Simula pa noong 2018 na nasukol natin 'yung malaking scam center nila, naghiwa-hiwalay na sila at nagkalat-kalat na ng iba-ibang lugar,” sabi ni Rendel Sy, chief ng BI Fugitive Search Unit.
Maliban sa mga computer, registered SIM cards at iba pang gadgets, bumungad din sa mga operatiba ang isang listahan ng mga Japanese at kanilang personal data, gaya ng cellphone number at bank accounts na ginagamit ng grupo sa pang-scam.
“Aalamin natin kung may mga nabiktima sila na mga Filipino. Ibibigay din natin 'yung mga numerong 'yun at mga pangalan sa Japanese Police upang mag-conduct sila ng investigation sa Japan kasi nakakabahala na may mga sensitive sila na information ng mga phone numbers, mga account numbers nitong mga biktima nila na tinatawagan sa Japan,” sabi ni Sy.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga nadakip na Hapon na nakakulong na sa BI detention facility sa Bicutan. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
