Kalunos-lunos ang sinapit ng isang aso na nahuli-cam na pinagpapalo ng isang lalaki at saka isinakay sa SUV sa Alaminos, Pangasinan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, makikita sa CCTV footage na natutulog sa gilid ng daan sa Barangay San Vicente ang aso nang madaanan ng SUV.

Tumigil ang SUV at hinagisan ng pagkain ang aso.

Maya-maya lang, isang lalaki ang bumaba na may hawak na pamalo at pinaghahataw ang aso.

Nang hindi na gumagalaw ang aso, binitbit niya ito sa paa at tinangay papunta sa SUV.

Ini-report na sa awtoridad ng may-ari ng aso ang insidente sa barangay at tinutukoy na kung sino ang suspek. – FRJ GMA Integrated News