Hindi na kailanman maaaring makapag-apply muli ng driver’s license ang driver ng kotse na nambangga sa 15-anyos na estudyanteng rider sa Teresa, Rizal. Ang estudyante at ama niya, pinatawan din ng parusa ng Land Transportation Office (LTO).
Sa isang pahayag nitong Martes, ipinataw na ni LTO chief Markus Lacanilao ang parusang perpetual disqualification sa pagkakaroon ng lisensiya laban sa driver ng kotse. Nauna nang kinansela ang lisensiya niya sa pagmamaneho bunga ng naturang insidente.
BASAHIN: DOTr, pinakakansela ang lisensiya ng driver na nambundol ng estudyanteng rider sa Rizal
Bigo ring humarap sa LTO ang driver matapos na maglabas ng show cause order laban sa kaniya ang tanggapan.
“Pareho sila na dapat may sagutin (driver ng kotse at estudyante). Ang mabigat dito, hindi dapat ginawa ‘yun nung driver ng kotse na nambangga sa estudyante,” ayon kay Lacanilao.
“Puwede niyang isuplong o pinahuli niya pero hindi ‘yung basta babanggain na lang niya dahil gusto niya, mainit ang ulo niya,” dagdag ng opisyal.
Sa mga naunang ulat, sinabing nasagi at nagasgasan ng motorsiklo ang kotse pero hindi umano huminto ang rider kaya hinabol ng driver hanggang sa nauwi sa banggaan.
Samantala, kinansela naman ng LTO ng isang buwan ang lisensiya ng ama ng estudyante dahil sa pagpapahintulot nito sa anak niya na magmaneho ng motorsiklo nang walang lisensiya at helmet.
Wala ring side mirror ang motorsiklo.
Hindi naman maaaring mag-apply ng driver’s license ang estudyate sa loob ng isang taon.—FRJ GMA Integrated News

