Nasawi ang isang 30-anyos na babae matapos siyang saksakin ng ilang ulit ng dati niyang kinakasama sa kaniyang pinagtatrabahuhan sa San Nicolas, Ilocos Norte.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Lovely Pagaduan, habang naaresto naman ang 28-anyos na suspek na si Froilan Gaspar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na pinuntahan ng suspek si Pagaduan sa pinapasukan nitong tindahan sa Barangay 18 San Pedro noong Sabado, at doon pitong ulit na sinaksak ang biktima.
Hindi na umabot nang buhay si Pagaduan nang isugod sa ospital.
Tumakas si Gaspar matapos gawin ang krimen pero naaresto siya sa hot pursuit operation. Inamin niya ang krimen na nagawa umano niya dahil sa labis na pagmamahal sa biktima.
Ayon kay Gaspar, kahit isang taon na silang hiwalay ng biktima, nagpatuloy naman ang kanilang pagkikita. Pero ikinagalit ng suspek nang bigla na lang umanong hindi nakipag-ugnayan sa kaniya ang biktima.
Sinabi naman ng kapatid ng biktima, dati nang sinasaktan ng suspek si Pagaduan, at hindi nila matanggap ang sinapit nito kay Gaspar.
Sinampahan ng kasong murder ng pulisya si Gaspar.— FRJ GMA Integrated News
