Nasawi ang isang 22-anyos na lalaki matapos siyang atakihin at tangayin ng isang buwaya sa Bataraza, Palawan. Ang biktima, nakatulog sa kaniyang bangka nang mangyari ang insidente.
Sa ulat ni JB Juanich ng Super Radyo Palawan sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Sitio Marabahay sa Barangay Rio Tuba sa bayan ng Bataraza.
Residente umano ng Taytay ang biktima at nagtungo lamang sa Bataraza para mangisda. Nakaangka ang kaniyang bangka nang makatulog ang biktima at inatake ng buwaya.
Wala nang buhay nang matagpuan ang isang lalaki matapos atakihin ng buwaya habang natutulog sa kanyang bangka sa Sitio Marabahay, Brgy. Riotuba, Bataraza, Palawan. | ulat ni @Jb_Juanich, Super Radyo Palawan pic.twitter.com/qqqO6PxHqD
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 16, 2025
Tinangay umano ng buwaya ang biktima patungo sa mangrove area.
Kaagad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Coast Guard Station Southern Palawan, Philippine National Police Maritime Group at mga taga-barangay.
Nakuha naman kinalaunan ang bangkay ng biktima na nakitang lumulutang at wala na ang buwaya.—FRJ GMA Integrated News

