Nahuli-cam ang ginawang pagsapak ng tricycle driver sa likod ng isang dalagitang estudyante na naglalakad sa Tarlac City. Nahuli kinalaunan ang driver na paiba-iba umano ang sinasabi.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, ipinakita ang ipinakita ang video na ibinahagi ni Mark Medrano Sanchez na nag-viral sa social media, na naglalakad papasok sa paaralan ang biktima noong Martes kasama ang dalawa pang estudyante.
Hindi nagtagal, isang tricycle ang dumating mula sa kanilang likuran at sinuntok ng driver sa likod ang biktima.
Tumakas ang driver pero natunton din siya ng mga awtoridad dahil sa sidecar number ng tricycle.
Sa panayam ng mga pulis sa kaanak ng suspek, sinabing mayroon umano itong medical condition.
“Nung nakausap siya, iba-iba po ang kaniyang sinasabi. Hindi po siya makausap nang maayos,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Nier Mercado, hepe ng Tarlac City Police Station.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. – FRJ GMA Integrated News
