Patay ang isang-taong-gulang na babae matapos sumiklab ang sunog sa kanilang bahay sa Dagupan, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabi ng lolo ng biktima na na-trap sa nasusunog nilang kuwarto ang biktima at ang nanay niyang buntis.

Bumalik ang lola upang hilahin palabas ang anak at apo.

Pumanaw ang bata sa ospital matapos magtamo ng matinding paso sa katawan. Kasalukuyan namang nagpapagaling ang kaniyang ina na nagtamo ng third degree burn.

Lumabas sa imbestigasyon na pumutok sa kuwarto ang ceiling fan, na malapit sa mga damit at tela kaya sumiklab ang apoy.

Samantala sa Jones, Isabela, nasunog din ang bahagi ng isang palengke at nadamay ang isang grocery store at tindahan ng feeds.

Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, nagkaroon ng short circuit dahil sa faulty wiring na nagdulot ng apoy.

Nagkakahalaga ng halos P2 milyon ng ari-arian ang napinsala.

Walang naitalang sugatan sa insidente.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News