Nasawi ang isang 46-anyos na babaeng rider matapos siyang masagasaan ng dump truck sa Bataraza, Palawan.
Sa ulat ni Kenneth Calumris ng Super Radyo Palawan sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Macadam Road sa Barangay Rio Tuba, kung saan residente rin ang biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang biktima at nasa kaparehong linya ng kalsada ang truck.
May iniwasan umanong lubak ang truck kaya nito nasagi ang motorsiklo, at nawalan ng balanse ang rider hanggang sa masagasaan ang biktima.
Kaagad na nasawi ang biktima, habang nasa kustodiya naman ng awtoridad ang driver ng truck na mahaharap sa kaukulang reklamo. – FRJ GMA Integrated News

