Nakagapos ang mga kamay at walang saplot na pang-ibaba nang matagpuan sa madamong bahagi ng reclamation area ang isang 17-anyos na babae sa Bacolod City.
Sa ulat ni Aileen Pedroso sa GMA Regional TV One Western Visayas, sinabi ng pulisya na isang tricycle driver ang nakakita sa bangkay nitong Miyerkules ng hapon sa Barangay 12.
Huling nakitang buhay ang biktima noong Martes nang umalis ng kanilang bahay pero hindi na nakauwi pa.
Ayon kay Police Captain Francis Depasucat, hepe ng Police Station 1, kinilala ng mga kamag-anak ang bangkay ng biktima na isasailalim sa awtopsiya.
May nakita rin umanong mga galos at sugat sa katawan at braso ng biktima.
Susuriin din ng pulisya ang mga CCTV camera sa lugar na maaaring makatulong sa imbestigasyon para malaman kung sino ang mga tao na huling nakasama ng biktima.
Samantala, kinondena ni Bacolod City Mayor Greg Gasataya ang krimen at nag-alok ng P100,000 pabuya sa makapagtuturo sa salarin.
“The City of Bacolod strongly condemns the cruel and despicable act committed at the BREDCO Port area in Barangay 12, which claimed the life of an innocent 17-year-old minor. What transpired is beyond reason and demands swift, decisive, and uncompromising justice,” saad ng alkalde sa pahayag.
"We have coordinated with the Bacolod City Police Office to exhaust every resource and pursue every lead until those responsible are found and made to answer for this crime. No one capable of such cruelty will ever find refuge in our city,” dagdag pa niya. – FRJ GMA Integrated News
