Isang bangkay ng babae na may tama ng bala ng baril sa ulo ang natagpuan sa gilid ng kalsada sa Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nadatnan ng mga awtoridad ang bangkay ng hindi pa nakikilalang babae sa gilid ng kalsada.

Sinabi ng barangay na isang tricycle driver ang nakakita sa bangkay sa liblib na bahagi ng Barangay San Isidro noong Martes ng madaling araw.

“Bumibiyahe siya nang magdamagan, nadaanan niya daw na may bangkay, ang sabi nga sa amin nakadapa. Noong mapuntahan namin, nakatihaya siya,” sabi ni Valentine Tripoli, Police Security Officer ng Barangay San Isidro.

Matapos nito, kinordon nila ang lugar kung saan natagpuan ang bangkay.

“Isa lang po ang nakita naming sugat, may tama po siya. Nilabasan ng bala rito sa sentido. Noong tingnan ng SOCO, sa likod pala nanggaling ‘yung unang pasok ng bala, dito (sentido) siya lumabas,” ayon kay Tripoli.

Hinala ng barangay, itinapon lang ang bangkay sa lugar na dahil madilim ang bahaging iyon ng kalsada.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Rodriguez Police para matukoy ang pagkakakilanlan ng babae at matunton ang mga nasa likod ng krimen.

Naghigpit na rin ang barangay sa pagbabantay sa lugar upang maiwasang maulit ang insidente. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News