Duguang humandusay sa harap ng kaniyang shop ang isang cellphone technician matapos siyang pagbabarilin ng kaniyang kaibigan sa Plaridel, Bulacan. Ang hinihinala ng pulisya na motibo sa krimen, love triangle.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, madidinig sa CCTV video ang pagtatalo ng dalawang lalaki na nasundan ng mga putok ng baril noong Sabado.

“Bumaba ‘yung ating suspect from his car, then merong mga argument. Later on, nandoon na, bumunot na siya ng baril, then pinutukan niya na. Pinutukan niya sa iba’t-ibang parte ng katawan,” ayon kay Plaridel Police chief Police Lieutenant Colonel Jerome Jay Ragonton.

Rumesponde naman ang mga awtoridad at napag-alaman nila na kaibigan ng biktima ang suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.

“Ang tinitingnan natin dito is love triangle. Personal grudge. Kumbaga itong victim natin is parang mayroon silang illicit affair nu'ng girlfriend,” ani Ragonton.

Pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng suspek pero wala ito roon bagaman naiwan ang sasakyan na kaniyang ginamit nang mangyari ang krimen.

Kinalaunan, natunton at nadakip ang suspek sa Cabanatuan, Nueva Ecija.

“Doon na, nakuha natin 'yung firearms na ginamit at doon na natin siya inaresto,” ayon kay Ragonton, na napag-alaman na walang dokumento ang baril ng suspek na nabili umano online.

Mahaharap ang suspek sa mga kasong murder at illegal possession of firearms.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang suspek, habang tumanggi ang kaniyang mga kamag-anak na magpaunlak ng panayam. — FRJ/KG GMA Integrated News