Nauwi sa trahedya ang pagkakabit ng solar light post sa Surallah, South Cotabato matapos na makuryente ang mga gumagawa nito na nagresulta sa pagkasawi ng isa at ikinasugat ng dalawang iba pa.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Libertad nitong Huwebes.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Surallah, gumamit ng forklift ang mga biktima nang aksidenteng sumabit sa live wire ang itinatayo nilang bakal na poste.
“Yung according doon sa mga kasamahan nila, nag-i-install sila ng poste ng solar lights doon sa kanto mismo, parang nasagi nila ang wire ng kuryente,” ayon kay BFP Surallah Municipal Fire Marshal, Fire Inspector Josiah Delmo.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang 23-anyos na biktima, habang nakaligtas naman at nagtamo ng pinsala dalawa niyang kasamahan na edad 51 at 37.
Ayon kay Delmo, walang protective gear na suot ang mga biktima tulad ng gloves nang mangyari ang insidente.
Sandali rin naputol ang suplay ng kuryente sa lugar na agad namang tinugunan ng mga tauhan ng South Cotabato Electric Cooperative I (SOCOTECO I).
Sa isang pahayag, nilinaw ng SOCOTECO I na hindi nila proyekto ang paglalagay ng solar light posts.
Iniimbestigahan na ng Surallah Municipal Police Station ang insidente.
“Advice naming, sana nag-coordinate sila sa electric company or sa engineering office para at least ma-guide sila kung ano ang tama, kung ano ang gagawin doon,” ani Delmo. -- FRJ GMA Integrated News
