Tatlo pang guro sa Oton, Iloilo ang iniimbestigahan ng pulisya dahil sa umano’y pangmolestiya sa mga estudyante. Kasunod ito ng ulat laban sa isang guro na tinaguriang si “Sir Mar”, na inakusahan ng pang-aabuso sa dalawang lalaking estudyante na may edad 13 at 14.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes, sinabi ni Police Staff Sergeant Ma. Elena Doliguez, hepe ng Women and Children Protection Desk ng Oton Police station, na patuloy ang imbestigasyon nila batay sa mga nakita nilang screen shots.
“Nagco-conduct kami ng follow-up investigation regarding sa mga screen shots. In case may makuha tayong other victims, magpa-file rin kami sa mga involved na suspect," ayon kay Doliguez.
Dalawa umano sa mga iniimbestigahan na guro ay mga kasamahan ni “Sir Mar” sa Oton National High School (ONHS), habang nasa Oton Central Elementary School ang isa pa.
Napag-alaman na kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act ang isasampang reklamo ng pulisya laban kay “Sir Mar.”
Kasabay ng pangangalap ng karagdagang dokumento sa pagsasampa ng reklamo, hinikayat ni Doliguez ang iba pang biktima na magsumbong at magreklamo.
“Sa iba pang nabiktima, ini-encourage kayo ng PNP [Philippine National Police] kung maaari pumunta kayo sa amin, magpa-blotter at bigyan natin ng hustisya ang nangyari sa inyo,” sabi ni Doliguez.
Napag-alaman din na inilipat na si “Sir Mar” sa Department of Education (DepEd) District sa Oton habang isinasagawa ang imbestigasyon, na ikinadismaya ng ina ng isa sa mga biktima.
“Minolestya niya, pull-out lang? Ngunit patuloy sa pag-duty?,” tanong ginang sa nangyaring paglipat sa suspek. "Kumbaga, kung ang estudyante hindi pumapasok sa klase, kini-kick out. Ngunit kung guro ang nagmolestya, ano yan? Walang aksyon?"
Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd Division ng Iloilo, na binigyan ng 72 oras ang mga iniimbestigahang guro para magpaliwanag.
Ipinapaubaya naman ng alkalde ng Oton sa pulisya at DepEd ang imbestigasyon sa insidente.
"Confidential mandate yan, nandyan naman sa WCPD o women’s desk, doon na lang kayo mag-coordinate. Hindi na ako maka…(comment), may internal discipline naman sila," ‘sabi ni Oton Mayor Sofronio Fusin, Jr.
Sa isang press conference ng Oton National High School nitong Biyernes ng hapon, tiniyak ng principal ng paaralan na tutulungan sa psychological intervention ang mga bata.
“We will comeback school normally. But rest assured that we will do everything to provide first aid or psychological first aid to our children, sa mga learners,” ani Darwin Haro, ONHS principal. – FRJ GMA Integrated News
