Nasawi ang isang rider matapos siyang magulungan ng dump truck na tinangka niyang unahan sa Mandaue City, Cebu.

Sa ulat ng GTV News State of the Nation nitong Miyerkoles, makikita sa video footage na tinangka ng rider na mag-overtake sa truck sa kalsada na bahagi ng Barangay Banilad.

Pero nang nasa gilid na siya ng truck, biglang natumba ang motorsiklo ng biktima at tumilapon siya patungo sa ilalim ng truck at nagulungan.

Nasawi ang biktima habang isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang driver ng truck.

Hinihintay pa umano ang desisyon ng pamilya ng rider kung magsasampa sila ng kaso laban sa driver.

Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabi ng pulisya na accident prone ang bahagi ng kalsada kung saan nangyari ang sakuna. – FRJ GMA Integrated News