Nasawi ang isang rider at kaniyang angkas nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Tuba, Benguet.

Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing binabaybay ng dalawa ang Asin Road sa Barangay Tadiangan nang mangyari ang insidente.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, papuntang La Union ang mga biktima nang mawalan ng kontrol ang rider sa motorsiklo sa pakurbang bahagi ng kalsada.

Dumiretso ang mga biktima sa bangin at bumagsak sa isang sapa.

Nagtulong-tulong ang mga taga-barangay, bumbero at pulisya upang makuha sa ibaba ang mga biktima. – FRJ GMA Integrated News