Hindi alintana ng ilang mga kababayan sa Visayas ang mainit na panahon sa kanilang pagbisita sa mga sementeryo ngayong Undas. Pero sa Bulacan at Pampanga, hindi humuhupang baha naman ang problema sa ilang sementeryo.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing dumagsa na agad ang mga bisita sa iba’t ibang sementeryo sa Cebu City kahit na maaga pa lamang.

May mga nakumpiska sa entrance na bawal na gamit tulad ng mga panlinis ng puntod sa Carreta Cemetery.

Sinabi ni Cebu City Police Office Director Colonel Enrico Figueroa na dalawang bladed weapon pa lamang ang kanilang nakukumpiska.

Mahigit 1,000 kapulisan ang ipinakalat sa mga sementeryo sa Cebu City, kasama ang mga barangay tanod at force multipliers na tumutulong sa pagseguro ng kaayusan.

Sa Mandaue City naman, hindi alintana ng mga bumisita sa sementeryo ang init at malayong lakaran matapos magsara ang ilang kalsada.

Marami ring bumisita sa Oton Municipal Cemetery sa Iloilo sa kabila ng katirikan ng araw, pati na rin sa Tanza Cemetery sa Iloilo City, na isa sa may pinakamaraming nakalibing sa lungsod.

Mahigpit din ang isinagawang inspeksiyon sa mga dalang gamit ng mga bumibisita, kung saan nakumpiska ang ilang patalim at gamit na panlinis.

Pagpasok ng sementeryo, sasalubong ang samu’t saring paninda, gaya ng mga bulaklak na gawa sa fuzzy wire na pangmatagalan kumpara sa fresh flowers.

Gayunman, mga improvised na tawiran ang sumalubong sa mga bumisita dahil sa baha at maputik na bahagi sa ilan pang sementeryo.

Binisita rin ang sementeryo sa Barangay Manoc-Manoc sa Boracay, habang maaga ring pumunta sa sementeryo ang mga taga San Jose, Antique at sa Roxas City, Capiz.

Halos siksikan naman ang publiko sa loob ng Burgos Public Cemetery sa Bacolod City.

Samantala, patuloy ang pagdagsa ng mga tao sa Calamba Cemetery, na isa sa mga pinakamatanda at pinakamalaking sementeryo sa lungsod ng Cebu.

Sa Davao City naman, ilang mga bumisita ang hindi matunton ang puntod ng kanilang mga kaanak sa Roman Catholic Cemetery kaya nagsindi na lamang sila ng kandila sa isang malaking krus.

Sa hiwalay na ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV, sinabing tirik din ang araw sa Roman Catholic Cemetery. May mga nakapwestong first aid station sa harap ng sementeryo para sa mga nahihilo o nawawalan ng malay.

Ilan ang hindi na mahanap ang puntod ng kanilang mga kaanak.

"Wala na kasi ang puntod ng aming mga kaanak. Matagal na rin kasi. Hindi kasi namin nabantayan ang taunang renewal. Kaya dito na lang kami nagsisindi ng kandila sa malaking krus,” sabi ni Arlene Toyco, bumisita sa sementeryo.

Biyernes ng gabi nang lagyan na ng mga bulaklak ang puntod ng mga magulang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na sina dating Governor Vicente at Soledad Duterte.

Namimigay naman ng libreng tubig at arroz caldo sa mga bumibisita ang ilang church organization sa Antonio Acharon Memorial Park, na pinakamalaking sementeryo sa General Santos City. Nagpatupad din ng mahigpit na siguridad ang kapulisan.

Patuloy rin ang pagdating ng mga dumadalaw sa pinakalumang sementeryo sa General Santos City.

Mahigit 10,000 mga Kagay-anon naman ang bumisita sa Cagayan de Oro City Memorial Park. Maraming pumila sa libreng sakay ng lokal na pamahalaan.

Hindi naman nawala ang salu-salo ng mga mag-anak sa puntod ng mga yumaong mahal sa buhay.

Upang masiguro ang ang seguridad, nagpalipad ng drone ang Cagayan de Oro City Police.

Samantala, baha ang sasalubong sa mga dumadalaw mula sa labas hanggang sa loob sa Peralta Public Cemetery sa Hagonoy, Bulacan.

Isang bumisita ang nanlumo dahil sa sitwasyon ng kanilang mga patay. Gayunman, pinili nilang suungin ang baha para dalawin ang yumaong ina at lola.

Tumawid naman sa bakod ng sementeryo ang ilang ayaw lumusong at umakyat sa mga nitso para makapagsindi ng kandila.

Iba naman ang nakikiraan sa isang bahay sa loob ng sementeryo.

“Kahit po ganito kalaki ‘yung tubig, ‘di naman po mapipigil ng tubig po ‘yung mga pagmamahal po natin kahit na ‘di na po natin sila nakakasama,” sabi ng isang lalaking dumalaw.

“Five years na po ako ‘di nakakapunta sa magulang, ngayon lang po ulit naulit gawa nga po sa sitwasyon na ito. Nakakapanlumo po talaga,” ayon sa isang babae tungkol sa sitwasyon sa Peralta Public Cemetery.

Baha rin ang anim na sementeryo sa Masantol, Pampanga kaya lumusong sa tubig-baha ang mga dumadalaw.

Kulay lumot na ang tubig sa ilang bahagi dahil matagal lang hindi humuhupa.

Inaalalayan na lamang ang mga senior citizen para hindi madulas, habang binubuhat naman ang mga bata para hindi mabasa.

Limmang taon nang problema ang baha sa Masantol, dulot ng mga pag-ulan at pinalala pa ng high tide.

Sa Bacolor naman, sa marker na lang nakapag-alay ng kandila at mga bulaklak ang mga dumadalaw sa Campo Santo de Bacolor.

Nakasulat sa marker ang pangalan ng mga pumanaw, nang matabunan ng lahar ang mga puntod nang sumabog ang Mount Pinatubo noong 1991.

May mga nag-alay rin ng kandila at bulaklak sa bantayog nina Marcelo at Gregorio del Pilar sa Bulakan, Bulacan, bilang pag-alala sa kanilang kabayanihan.

Sa Baguio City namandinayo rin ang mga pasyalan bukod sa mga sementeryo.

Sa ulat ni Sendee Salvacio ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend pa rin, sinabing naglalaro sa 16 hanggang 20 degrees Celsius ang temperatura sa Baguio City nitong weekend ng Undas.

Dumidiretso sa mga pasyalan gaya ng Burnham Park ang ilang katatapos lang bumisita sa mga sementeryo para makapag-unwind.

Nagtriple ang mga dumalaw sa Baguio City Public Cemetery kung saan mahigit 15,000 ang nakahimlay sa loob lang ng apat na oras mula 7 a.m. umaga.

Naroon pa rin ang salo-salo ng mga pamilyang bumisita sa puntod ng mga yumaong kaanak, habang may mga pamilyang may tradisyon na sinusunod.

Isang pamilya ang abala sa pagtutupi ng mga susunuging papel na pinaniniwalaan nilang pampasuwerte.

Bago sumapit ang tanghali, bumigat ang trapiko sa mga daang patungo sa mga sementeryo at pasyalan.
Lifted ngayong weekend ang number coding scheme sa siyudad.

“Expect lang natin na ‘pag approaching tayo sa mga cemeteries natin, magkakaroon talaga ng congestion. Likewise, ‘yung mga may dalang sasakyan, expect po natin na wala po talaga tayong maabutang parking area,” sabi ni Major James Allen Dogao, Station Commander ng Baguio City Traffic Enforcement Unit.

Samantala, walang ipinatupad na traffic rerouting scheme ang Baguio City PNP ngayong Undas 2025.

Mas maghihigpit din sila sa pagpapatupad ng kanilang mga traffic ordinance, kagaya ng no parking ordinance at ang kanilang “king of the road” ordinance.

Sa Mangaldan, Pangasinan, dumayo na ang mga bumisita sa mga sementeryo ng 6 a.m. pa lamang.

Mahigpit ang pag-inspeksiyon sa mga dalang gamit para matiyak na walang ipapasok na mga ipinagbabawal tulad ng patalim at alak. Sa Calasiao, Pangasinan, ilan sa mga dumalaw sa sementeryo ay may mga dala nang electric fan.

May libreng sakay din ang LGU dahil malayo ang parking area sa mismong sementeryo.

Extended hanggang 10 p.m. ang pagbisita sa mga sementeryo sa Calasiao.  —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News