Sinasabing nakaranas ng matinding trauma ang isang 8-anyos na Grade 3 pupil sa Paniqui, Tarlac matapos na halayin umano ng kaniyang guro sa loob mismo ng paaralan. Bagaman naaresto ang suspek, iniutos kalaunan ng piskal na palayain siya.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, labis ang galit ng ina ng bata laban sa 23-anyos na suspek, at class adviser mismo ng biktima.
Nangyari umano ang krimen sa tila dirty kitchen na karugtong ng classroom, na tinatawag daw ng guro na “confession room.”
Pero ayon sa ina ng biktima, “dark room” ang tawag dito ng kaniyang anak na bigla na lang umanong ayaw nang pumasok.
Sinasabing apat na estudyante ang pinapasok ng guro sa confession room pero ang biktima lang umano ang pinagsamantalahan nito.
“Hindi na maibabalik, nasa trauma ang anak ko,” sabi ng ginang. “Lagi niyang sinasabi, ‘mama, dark room, ayokong pumasok sa dark room.’”
Isang araw matapos na mangyari ang insidente, nagsumbong ang bata sa kaniyang mga magulang tungkol sa ginawa umano sa kaniyang ng guro.
Idinulog naman ng pamilya sa pulisya ang nangyari at kaagad na dinakip ang suspek sa paaralan.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Samuel Quibet, hepe ng Paniqui Police station, itinanggi ng suspek ang paratang.
Pero isang araw matapos arestuhin, nakalaya rin kaagad ang suspek kinabukasan sa utos ng piskal nang didinggin na sana ang sakdal laban sa guro
Depensa ng abogado ng titser, ilegal ang ginawang pagdakip sa kaniyang kliyente
Sinabi naman ni Quibet, na inirekomenda ng piskal na hindi sapat na basahan ng sakdal sa suspek pero puwedeng magsagawa ng preliminary investigation.
Ngunit habang isinasagawa ang imbestigasyon, iniutos ng piskal na palayain ang suspek.
Tumanggi na muna na magbigay ng pahayag ang suspek alinsunod daw sa payo sa kaniya ng abogado.
Ayon naman sa pamunuan ng paaralan, suspendido na ang naturang guro.
Ikinagulat din nila kung bakit may “confession room” ang guro na ipinakandado na nila.
Kabilang din sa reporma na kanilang ipatutupad sa paaralan ang paglalagay ng CCTV camera, at magpapatupad ng patakaran na bawal hawakan ng mga guro ang kanilang mga estudyante.
Nangako rin ang pamunuan ng paaralan na makikitulungan sila sa imbestigasyon at hangad din nilang lumabas ang katotohanan. – FRJ GMA Integrated News
