Nakadudurog ng puso ang isang tagpo nang pilitin ng isang mister na isalba ang kaniyang nalunod na misis habang bumabaha at nananalasa ang Bagyong Tino sa Liloan, Cebu.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing bigong makaligtas si Coney, misis ni Emmanuel Estrera sa pagtama ng bagyo noong Martes.
Mapanonood sa video na kuha ng kanilang kapitbahay na pilit sinasalba ni Emmanuel si Coney sa kanilang bubungan.
Ayon kay Emmanuel, nag-aakyat sila noon ng mga gamit dahil pinasok na sila ng baha.
Binalikan pa ni Coney sa kusina ang niluluto niyang almusal, ngunit mabilis na rumagasa ang tubig.
Agad kinuha ni Emmanuel ang dalawa nilang anak para maiakyat sa bubong, ngunit naiwan si Coney.
“Ang sabi ko na lang sa kaniya, dapat makaabot siya ng kisame para maabot niya… iyong yero namin para mapukpok niya, para may [makaalam] na may tao sa ilalim,” sabi ni Emmanuel.
Pag-akyat sa bubong, humingi ng tulong sina Emmanuel para mailigtas si Coney.
Sinabi ng kapitbahay na kumuha ng viral video ng mag-asawa na narinig nilang kumalabog ang bubong ng bahay nina Coney at sumisigaw na ito ng saklolo.
Gayunman, mahirap baklasin ang kanilang bubong.
“Nag-dive ako mga tatlong beses para makita ko si misis. Tapos noong nakita ko na siya, pinull out na namin pataas,” kuwento ni Emmanuel.
Nagpresenta ang isang kapitbahay na mag-CPR kay Coney.
“Sinabihan niya ako na wala na talaga, wala nang pulso. So, hindi ako pumayag na wala na. Kasi may milagro naman eh. Ako na lang doon hanggang, nag-CPR, nag-CPR hanggang maghapon.”
Masakit na tinanggap ni Emmanuel ang katotohanan na pumanaw na ang kaniyang kabiyak.
Nang ma-rescue ang kanilang pamilya, nakiusap siyang dalhin sa ospital si Coney. Ngunit sa ilang ospital na inikot niya, hindi na-admit si Coney.
Sa huli, nakita na niya ang kaniyang asawa sa punerarya.
“Hindi! May milagro naman eh. Kung hindi naman sila naniniwala sa milagro, ako naniniwala… Hindi ako aalis sa asawa ko kung hindi sila nagpaasa,” sabi ni Emmanuel.
Nakikituloy muna sa mga kaanak ang dalawang anak ni Emmanuel.
Nakaburol naman si Coney, high school sweetheart ni Emmanuel, katuwang sa pagpundar ng kanilang bahay at pagbuo ng kanilang pamilya.
Pumanaw man ang asawa pero para kay Emmanuel, walang kapalit si Coney.
“Ikaw lang ang nag-iisa… Sabi ko, ikaw na ang simula at katapusan. Lahat ng mga pangarap na bubuuin kasama iyong mga bata. So, i-guide mo lang kami,” mensahe ni Emmanuel kay Coney. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
