May dalawang tao ang iniulat na nasawi—isa sa Viga Catanduanes at isa sa Catbalogan City Samar—dahil sa pananalasa ng super bagyong “Uwan” (international name: Fung-Wong), ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Lunes.
“Sa casualty po natin, meron pong reported po sa atin pero subject again for validation pa ito,” saad sa update report ni OCD deputy administrator for administration Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV.
“Dalawang fatality — one is from Viga, Catanduanes due to drowning and another one from Catbalogan City, Samar na nahulugan ito ng collapsed structure,” dagdag niya.
Ayon pa kay Alejandro, mayroon ding dalawa tao ang nasugatan.
Umabot naman sa 1.4 milyong tao o 426,000 pamilya ang kinailangang inilikas papunta sa ligtas na mga lugar sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Negros Island Region, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, at Eastern Visayas.
Sinabi pa ni Alejandro na 318,000 tao o 92,000 pamilya ang tumutuloy sa mga evacuation center.
Nasa 1,000 bahay naman ang napinsa — 996 ang bahagyang nagtamo ng sira at 89 ang tuluyang nawasak.
Nakaranas ng pagbaha ang132 barangays, at nakaranas din ng storm surge o daluyong ang ibang coastal communities, at may mga insidente rin ng landslides.
Ayon kay Alejandro, ilang bayan sa Aurora ang isolated o hindi mapuntahan dahil sa landslides. Kabilang dito ang mga bayan ng Dipaculao, Dinalungan, Casiguran, at Dilasag.
“Kahapon po nu'ng dumaan or nag-landfall 'yung bagyo sa Aurora, nag-report po ang ating PDRRMO na ang mga munisipyo ng Dipaculao, Dinalungan, Casiguran, and Dilasag sa Aurora ay na-isolate due to landslides,” anang opisyal.
“But again, itong mga landslides na ito are subject to immediate clearing. Ngayong umaga, na-advise-an na rin natin ang ating DPWH to work closely with our LGUs para po mapabilis itong clearing operations natin,” dagdag niya.
Nakaranas naman ng power interruptions ang 155 lugar. At 13 lugar ang nagkaroon ng problema sa suplay ng malinis na tubig.
Ayon sa PAGASA, humina na ang bagyo nitong umaga ng Lunes matapos dumaan sa kalupaan ng Luzon. — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

