Tatlo katao—kabilang ang kambal—sa mga nasawi sa Nueva Vizcaya nang bagyuhin ng Super Bagyong “Uwan” ang northern Luzon nitong Linggo, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 nitong Lunes.
Sa panayam ng Super Radyo DZBB, sinabi ni OCD Region 2 spokesperson Alvin Ayson, na kabilang sa mga biktima ang dalawang kambal na limang-taong-gulang na mula sa bayan ng Kayapa.
“Yung dalawang nasawi ay confirmed. Ito ay kambal na natabunan ng lupa,” ayon kay Ayson.
Tatlo pang kaanak ng kambal ang dinala naman sa Lt. Tidang Memorial Hospital.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng ikatlong nasawi.
“Suspetya namin, ito ay caused ng landslide also kasi mostly ng incidents natin sa (Nueva) Vizcaya ay landslide. However, we are still confirming with NDRRMO,” sabi pa ni Ayson.
Nasa 6,000 pamilya, o 18,116 katao mula 342 barangay ang inilikas patungo sa ligtas na lugar sa Cagayan Valley, sabi pa ni Ayson.
Tatlong national roads at walong local roads ang hindi madaanan, at 23 tulay ang hindi rin magamit nang umapaw ang tubig sa mga ilog.
Umabot naman ang antas ng tubig sa Cagayan River sa 9.9 meters sa Buntun Bridge sa Tuguegarao City, na lampas sa critical level na 9 meters.
Sa 11 a.m. cyclone bulletin ng PAGASA, nakapailalim pa ang Cagayan Valley sa Signal No. 2, kasama ang Nueva Vizcaya.
Una rito, iniulat ng OCD na may dalawang tao ang nasawi sa Viga, Catanduanes at Catbalogan City, Samar dahil din sa pananalasa ng super bagyong “Uwan.” — FRJ GMA Integrated News
