Kinilala ng lokal na pamahalaan ng Liloan, Cebu ang kabayanihan ng isang 15-anyos na lalaki na nagligtas ng mahigit 50 niyang kababayan na nalubog sa baha sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Tino.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing balewala kay Jayboy Magdadaro ang pagsuong sa baha madala lamang sa ligtas na lugar ang kaniyang mga kababayan sa Barangay Jubay.
Isa-isang umanong isinakay ni Jayboy ang kaniyang mga kababayan sa maliit na bangka hanggang sa nadala niya ang mga ito sa ligtas na lugar sa kanilang barangay.
Ginawa ni Jayboy ang pagsagip mula umaga hanggang hapon, kahit pa umuulan.
"Kahit malakas ang tubig, pinilit kong tumulong kasi naririnig ko ang sigaw ng tao," sabi niya sa isang pahayag.
Ang lakas ng loob niya na suungin ang baha ay nanggaling sa kaniyang araw-araw na pag-skimboard sa dagat .
Bilang pagkilala ng LGU sa kaniyang kabayanihan, binigyan si Jayboy ng pamunuan ng lokal na pamahalaan ng Liloan ng scholarship hanggang sa kolehiyo. – FRJ GMA Integrated News
