Isang rider ang nasawi, habang naputulan naman ng dalawang paa ang isa pang rider, matapos na araruhin ng isang dump truck ang mga motorsiklo na kanilang minamaneho sa Rizal.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa Sumulong Highway sa Antipolo City nitong Sabado.

Sa video footage, makikita na biglang sumulpot ang truck mula sa kabilang linya at inararo at nagulungan ang dalawang motorsiklo na nasa unahan niya.

Agad na nasawi ang isang rider matapos mapuruhan sa ulo, habang naputulan ng dalawang paa ang isa pang rider. Sugatan din ang kaniyang angkas.

Sa imbestigasyon ng awtoridad, idinahilan umano ng driver ng truck na nawalan ng preno ang kaniyang sasakyan. May iniwasan din daw siyang pampasaherong jeepney na may mga pasahero pero hindi nakaligtas ang dalawang motorsiklo.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng truck, na walang pahayag.

Desidido naman ang pamilya ng nasawing rider, ganundin ang rider na naputulan ng mga paa na kasuhan ang driver. – FRJ GMA Integrated News