Isang lalaki ang sugatan matapos siyang saksakin ng steel bar dahil sa hindi niya pagpapahiram ng kaniyang bagong cellphone sa Cebu City.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa "Balitanghali" nitong Biyernes, isinalaysay ng bikima na natutulog siya sa tinutuluyan niyang bahay sa Barangay Guadalupe nang maganap ang insidente.
Nagising na lamang siya nang maramdamang mahapdi at dumudugo ang kaniyang ulo.
Hanggang sa nakita ng biktima ang kasama niya sa bahay na akmang sasaksakin siya. Nahawakan niya ang dulo ng bakal kaya hindi siya tinamaan.
Ayon sa kaniya, posibleng nagalit sa kaniya ang suspek matapos niya itong hindi pahiramin ng kaniyang bagong cellphone.
Desidido siyang magsampa ng reklamo laban sa suspek, na hindi nagpaunlak ng panayam pero humihingi ng tawad sa biktima. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News
