Sugatan ang isang babae na nakikipaghiwalay na umano matapos siyang saksakin ng kaniyang mister gamit ang tari ng panabong na manok sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabi ng mga awtoridad na inabangan ng suspek ang kaniyang asawa matapos silang mag-usap sa barangay hall nang hindi sila magkaunawaan.
Dito na sinaksak ng mister ang misis.
Isang tricycle driver ang umawat, habang tumakas ang mister matapos ang pananaksak.
Dinala sa ospital ang biktima na nagtamo ng apat na saksak at mga galos sa iba't ibang parte ng katawan.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na matinding galit at selos ang motibo sa krimen.
Gusto na umanong makipaghiwalay ng biktima ngunit ayaw ng suspek. Sumuko ang suspek sa mga awtoridad.
Nagpaliwanag ang suspek sa pulisya na gusto niyang maayos ang kanilang relasyon, kaya niya nagawa ang krimen. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News
