Kasama ang kaniyang lola, nagtungo sa himpilan ng pulisya ang isang 16-anyos na estudyante sa Iloilo City para akuin na siya ang nagpakalat ng bomb threat sa kaniyang paaralan. Ang idinahilan umano ng menor de edad sa mga pulis kaya niya ito nagawa, bored lang daw siya.

Sa ulat ni Julius Belaca-ol sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes, sinabing sinuspinde ng Fort San Pedro National High School ang klase noong November 19, 2025, dahil sa bomb threat na natanggap ng isang guro noong gabi ng November 18.

Natanggap umano ng guro ang mensahe mula sa isang estudyante, na lumitaw na ipinakalat ng kaniyang 16-anyos na kaklase.

Nitong Biyernes, nagtungo sa pulisya ang 16-anyos na estudyante, kasama ang kaniyang lola, para magpaliwanag sa nangyari.

“Ang sagot niya sa Women and Children Protection Desk, na-bored lang daw siya,” sabi ni Police Captain Melchor Tolentino, hepe ng Iloilo City Police Station 1.

Inedit umano ng estudyante ang mensahe ng isang bomb threat, at ipinadala sa kanilang group chat. Kaagad naman daw niya itong binura pero may nakapag-screenshot.

Ayon sa guro, mabuti namang bata ang estudyante.

“Mabuti siyang bata. Hindi naman siya rascal o pilyo na bata,” sabi ni Famela Tan, Grade 10 council adviser sa Fort San Pedro National High School.

Lumaki sa kaniyang lola ang estudyante, pero walang tao sa kanilang bahay nang puntahan para kunan sana ng pahayag, ayon sa ulat.

Inihayag naman sa isang barangay official, wala ring masamang record ang estudyante sa kanilang lugar.

“Mabait siya. Nandito siya palagi sa aming barangay, naglalaro ng volleyball,” pahayag ng kagawad na si “Glo.

Patuloy pa umano ang imbestigasyon ng pulisya patungkol sa estudyante. Inaalam din kung sangkot siya sa iba pang bomb threat sa Iloilo City, Iloilo Province, at iba pang lugar sa Western Visayas.

"Ma-establish through facts at strong and convincing evidence na siya talaga. Kasi baka ginamit lang siya at baka biktima lang siya ng sirkumstansya,” ayon kay Police Major Shella Mae Sangrines, spokesperson ng Iloilo City Police Office.

Pinalaya naman ang estudyante habang patuloy ang imbestigasyon, at pinadalo sa isang case conference kasama ang kaniyang lola.

Una rito, naglaan ang Iloilo City Government at Iloilo Provincial Government ng P200,000 pabuya sa makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon para masakote kung sino o anong grupo ang nasa likod ng pagpapakalat ng mga bomb threat. – FRJ GMA Integrated News