Inaresto ang isang gwardiya matapos holdapin ang bangkong kaniyang pinagtatrabahuhan sa Iba, Zambales.
Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita sa CCTV footage ng bangko na abala ang mga empleyado sa trabaho noong Lunes nang biglang bumunot ng baril ang gwardiya at pinapunta sa vault ang manager at mga empleyado.
Natangay ng suspek ang P670,000 na nilalaman ng vault ng bangko.
“After that po, sumakay po siya ng tricycle, at nung makarating sa bandang Posadas Street, bigla na lang pong tumutok ng baril sa victim number 2. At doon po, tinangay na ng tuluyan yung tricycle,” sabi ni Iba, Zambales police chief Police Major Jefferson delos Reyes.
Natagpuan din agad ang inabandonang tricycle.
Naaresto ang suspek nitong Huwebes sa bayan ng Santa Cruz.
“Nag-report po yung isang waiter doon regarding nga po doon sa presence ng isang lalaki na naglalabas ng baril. Doon po, na-aresto po yung ating suspek sa pangho-hold up dito sa isang bangko at yung pagkacarnap po,” sabi ni delos Reyes.
Nahaharap sa patong-patong na reklamo ang suspek. — Jiselle Anne Casucian/VBL GMA Integrated News
