Nasawi ang isang barangay kagawad matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang nakaparadang truck sa gilid ng daan sa Dagupan City, Pangasinan. Ang biktima, umalis ng bahay para sana asikasuhin ang death certificate ng isang kamag-anak.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, labis ang kalungkutan ni Leonora Manaois, sa sinapit ng kaniyang mister na Edgar Manaois, na masaya pa umanong nagpaalam sa kaniya bago umalis.
Kagawad sa Barangay Lomboy si Edgar sa bayan ng Binmaley, at magtutungo sa city hall ng Dagupan para asikasuhin ang death certificate ng isa nilang kamag-anak.
Ayon sa pulisya, lumabas sa imbestigasyon na tinangka umano ni Edgar na mag-overtake sa sinusundang utility van sa Barangay Tapuac, Dagupan City, pero sumalpok siya sa nakaparadang truck.
“Siya ay tumilapon sa kaniyang motorsiklo at tumama siya doon sa gusto niyang overtake na Isuzu utility van,” pahayag ni Police Lt.Col. Roderick Gonzales, spokesperson ng Dagupan City Police Office.
Nadala pa sa ospital si Edgar pero idineklarang dead on arrival.
Nais naman ni Leonora na malaman kung sino ang may kasalanan para mabigyan ng hustisya ang kaniyang mister.
Maghahanap naman ang mga awtoridad na CCTV footage upang magamit sa kanilang imbestigasyon.
“Ang ating mga imbestigador ay nagba-backtrack sa mga CCTV para makatulong sa imbestigasyon,” ani Gonzales.—FRJ GMA Integrated News
