Inihayag ng Davao del Sur Police Provincial Office ngayong Miyerkoles na may P2 milyon pabuya na nakalaan sa makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang pumaslang sa isang kapitan ng barangay sa Digos City.
Ayon kay Police Captain Sheila May Pansoy, spokesperson ng Davao del Sur Police Provincial Office, ang P1 milyon sa pabuya at galing mula kay Vice President Sara Duterte.
Samantala, P500,000 naman ang alok ni Governor Yvonne Cagas para madakip ang gunman, at P500,000 naman para madakip ang utak sa krimen.
Ayon kay Pansoy, may persons of interest na ang pulisya sa likod ng pagpatay kay Barangay Tres de Mayo Captain Oscar “Dodong” Bucol Jr.
Naka-Facebook live si Bucol nang pagbabarilin siya ng salarin. Madidinig sa video ang mga putok ng baril at paghingi ng tulong ng biktima.
“At around 9:00 PM on November 25, 2025, the victim was fatally shot within the premises of his residence, specifically in his garage,” saa sa pahayag ng Davao del Sur Police Provincial Office.
Nagtamo umano ng isang tama ng bala sa dibdib si Bucol na kaniyang ikinamatay.
“Portions of the incident were captured during his ongoing Facebook Live broadcast,” dagdag nito.
Sa hiwalay na ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabi ng chief tanod ng barangay na dati nang nakatatanggap ng banta sa buhay si Bucol.
Papalit naman sa posisyon ng nasawing chairman ang kapatid niyang si kagawad Jeric Bucol.
Itinanggi naman ng lalaking kausap ni Bucol sa video na nagsauli ng napulot niyang wallet na may kinalaman siya sa krimen.
Bubuo ng Special Investigation Task Group (SITG) ang pulisya para matutukan ang paglutas sa kaso. – Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News
