Nasawi ang isang 22-anyos na rider matapos na makasalpukan ang isa pang motorsiklo sa Bantay, Ilocos Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa national highway nitong gabi ng Linggo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing binabagtas ng dalawang rider ng motorsiklo ang national highway nang umagaw ng linya ang isa sa kanila.
Sugatan ang angkas ng nasawing rider, habang kritikal umano ang kalagayan ng isa pang rider, na nakainom umano nang mangyari ang insidente.
Hindi pa umano nagkakausap ang mga pamilya ng magkabilang panig.—FRJ GMA Integrated News
