Isang gasoline boy ang binaril at napatay ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo sa isang gas station sa Masbate City.
Sa ulat ng GMA News “Saksi” nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV footage na nagpakarga pa ng gasolina ang dalawang suspek. Ilang saglit lang, isa sa kanila ang naglabas ng baril at pinaputukan sa ulo ang biktima na nakaupo noon.
Kaagad na nasawi ang biktima, habang napatakbo naman sa takot ang ibang pang trabahador sa gasolinahan.
Bago tumakas ang mga salarin, pinaputukan pa nila ang cashier booth.
Natunton ng mga awtoridad ang may-ari ng motorsiklo na idinahilan na hiniram lang ng kaniyang mga kaibigan ang kaniyang sasakyan.
Tinutugis na ng mga pulis ang dalawang suspek.—FRJ GMA Integrated News
