Nagkabanggaan ang isang ambulansiya at isang motorsiklo sa intersection ng national highway sa Cebu City. Ang rider, nagawa pang umuwi pero namatay kinabukasan.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV na nakabukas ang blinkers ng ambulansiya habang umaarangkada.

Isang motorsiklo na nasa kasalubong na linya ang huminto na nang makita ang ambulansiya. Ngunit ang motorsiklo ng biktima, nagtuloy-tuloy at nakabanggaan ang papalikong ambulansiya.

Bumaba ang driver ng ambulansiya at nilapitan ang nakatumbang rider na may malay. Kinalaunan, umalis na rin ang ambulansiya.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na umuwi naman sa kanilang bahay ang rider pero binawian siya ng buhay kinabukasan.

Wala ang pamilya ng biktima nang puntahan ng GMA Regional TV para mahingan ng panayam.

Sinabi ng kaniyang kapitbahay at kaibigan na namataan nila na may mga pasa ang biktima at masakit ang katawan nang umuwi matapos ang aksidente.

Isasailalim pa sa autopsy ang labi ng biktima, samantalang hinahanap din ng mga awtoridad ang driver ng ambulansiya.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News