Person of interest na ngayon ang station chief ng Digos City Police sa Davao del Sur kaugnay sa pagbaril at pagpatay sa isang barangay captain habang naka-livestream o Facebook live.

Ayon sa Police Regional Office 11 (PRO11), inalis na sa kaniyang puwesto si Digos City Police Station acting chief Police Lieutenant Colonel Peter Glenn Ipong, habang iniimbestigahan siya kaugnay sa pagkamatay ni Barangay Tres de Mayo captain Oscar “Dodong” Bucol Jr.

Sinabi ng PRO11, ang director na si Police Brigadier General Leon Victor Rosete, ang nag-utos na alisin sa puwesto si Ipong para matiyak na magiging patas ang isasagawang imbestigasyon.

“He further directed the Davao del Sur Provincial Police Office, under the leadership of Police Colonel Leo T. Ajero, Provincial Director, to conduct a thorough and comprehensive probe, which may take one to six months depending on the complexity of the case,” dagdag nito.

Nagtungo pa si Rosete sa bahay ni Bucol at nagsagawa ng ocular inspection upang suriin ang crime scene at i-validate ang paunang findings.

Nagtungo rin ang opisyal sa burol ng nasawing punong barangay upang makiramay ang makausap ang ama ng biktima.

Sa ulat ni RGil Relator sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing kabilang sa mga nakaalitan ni Bucol sa pagla-livestream nito si Ipong.

Idinagdag pa sa ulat na 20 pulis din ang isinailalim sa paraffin test.

Hiniling din ng pamilya ng biktima na magsagawa ng imbestigasyon sa krimen ang National Bureau of Investigation.

Sinusuri na rin ang CCTV footage na nakuhanan ang isang sasakyan na hinihinalang ginamit ng mga salarin nang barilin si Bucol.

May nakalaan na P2 milyon pabuya sa ikadarakip ng mga salarin sa pagpatay kay Bucol, na mula kina Vice President Sara Duterte at Governor Yvonne Cagas.— Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News