Patay ang isang lalaking naniningil umano ng utang matapos siyang paputukan ng “sumpak” ng lalaking kaniyang sinisingil sa Mariveles, Bataan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Camaya, na nag-ugat sa paniningil umano ng 44-anyos na biktima sa utang ng suspek na P150.00.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na pinuntahan ng biktima ang bahay ng suspek para maningil ng utang. Pero nauwi ito sa pagtatalo hanggang sa paputukan ng suspek ang biktima.
“According sa witness, actually po ‘yun po ‘yung kapatid ng suspek eh may narinig po siya ng sudden burst po ng firearm. Paglabas po niya, ‘yung kapatid niya improvise firearm po ‘yung boga. And from there po nakita po ‘yung victim na nakahandusay po sa daan,” ayon kay Police Lt.Col. Mar Joseph Ravelo, hepe ng Mariveles Police.
Isinugod naman ang biktima sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival.
Ang lumalabas na ugat ng krimen kay Ravelo, “According po sa witness natin nagkaroon po ng heated argument po, nagkaroon ng altercation, so parang may small amount of money po na dinedemand po ng victim. According po sa witness, P150 daw po.”
Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang tumakas na suspek, habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.
Wala pang pahayag na inilalabas ang pamilya ng biktima. – FRJ GMA Integrated News
