Isinugod sa ospital ang isang lalaki matapos barilin sa loob ng isang videoke bar sa Tagum City, Davao del Norte. Ang itinuturong ugat ng krimen, ang pag-agaw umano ng biktima sa kanta ng suspek.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa isang videoke bar sa Barangay Magugpo sa Tagum City.
Ayon sa pulisya, nakikipag-inuman ang 25-anyos na biktima sa isa pang kasama sa naturang establisimyento. Hindi naman kalayuan sa kaniyang puwesto ang suspek.
Nagalit umano ang suspek nang agawin umano ng biktima ang kanta na pinili niya sa videoke machine.
Bago umalis ang suspek, bumunot ito ng baril ang pinaputukan ang biktima na tinamaan sa baba.
Tumakas ang suspek, habang isinugod naman sa ospital ang biktima.
Patuloy na hinahanap ng mga pulis ang suspek.—FRJ GMA Integrated News

