Dinala sa ospital ang anim na lalaki matapos masugatan sa nangyaring rambol sa labas ng isang establisimyento sa Maramag, Bukidnon.
Sa ulat ni Cyril Chavez ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Martes, makikita ang dalawang lalaki na nagpapambuno hanggang sa saksakin ng isa ang kaniyang kaaway.
Pero ang lalaking may patalim, inundayan din ng saksak ng isa pang lalaki.
May isa pang lalaki na nakita sa video na may hawak na patalim at nagwawala.
“Itong grupo na nagkaalitan, doon nagsimula [ang gulo] kung saan may nagtapon ng bato, botelya, hanggang humantong sa pananaksak. Actually, nakainom silang lahat,” ayon kay Police Captain Shiela Joy Jangad, spokesperson, Bukinon PPO.
Anim ang dinala sa ospital dahil sa tinamong mga sugat sa katawan.
Dalawa sa mga ito ang pinayagan nang makalabas habang patuloy na inoobserbahan sa ospital ang apat dahil sa matinding sugat na tinamo.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy sa grupo kung sino sa kanila ang biktima at suspek para masampahan ng reklamo. – FRJ GMA Integrated News
