Binaril at napatay ng isang lalaki ang isang babae na nag-alok umano sa kaniya ng ilegal na droga sa Antipolo City, Rizal.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV footage na naglalakad ang biktima sa Barangay Cupang dakong 1:00 am kanina, nang barilin siya ng nakasunod na suspek sa batok.
Ayon sa pulisya, bago ang insidente, inalok umano ng biktima ng ilegal na droga ang suspek pero tumanggi ang huli. Napikon umano ang suspek dahil sa pagmumura ng biktima.
“Tumanggi po ang suspek na bumili ng drugs. Kaya ang ginawa nito ni victim, yung babae, is pinagmumura po itong si suspek,” ayon kay Antipolo CCPS spokesperson Police Lt. Ken Ladyong Ada-Ol.
Nakuha ng mga pulis sa crime scene ang isang improvised gun na ginamit ng suspek sa krimen.
Kinalaunan, nadakip ang suspek matapos siyang makilala sa CCTV footage at tulong ng mga testigo.
Hindi naman itinanggi ng suspek ang nagawang krimen.
“Ako naman po talaga bumaril doon. Nag-i-inom po kami diyan sa amin tapos inalukan po ako ng drugs. Nabigla lang po talaga ako. Pasensya na po kayo sa nagawa ko, patawad po,” pakiusap ng suspek.
Napag-alaman din ng mga awtoridad na may arrest warrant ang suspek para sa hiwalay na kaso na pagnanakaw.—FRJ GMA Integrated News
